Wednesday, August 20, 2008

Oda kay Ka Bel

ni James Miraflor



I
May 27, 2008

Sa 'yong libing,
samu't-saring mukha ang
sumisilip sa

iyong katawang
nakahiga sa iyong
huling himlayan.

II
May 28, 2008

Ngunit sa mga
kaluluwang naroon,
tumitingin sa

embalsamado
mong mukha't katawan,
kaunti lamang

ang mga tunay
na naniniwala sa
'yong kalayaan.

III
June 19, 2008

Anila, hanggang
sa iyong kamatayan,
ikaw ay isa

pa ring bilanggo,
'pagkat sa huli, Ka Bel,
ang iyong diwa,

gaano man daw
kalaya, nakapinid
pa rin sa lupa,

nakatali sa
katawang binawi na
rin ng panahon.



IV
June 27, 2008

'Di nila alam,
ang katawan mo'y
bagamat gapos

pa rin ng mundo,
ikaw ay tumamasa
na ng ganap na

paglaya, pagla-
yang sa kadalisayan,
ay humahamak

sa mga munting
tangka ng mga kadre
ng kasaysayan,

na ipanalo
sa mundo ang taliba
ng iyong uri.

V
July 6, 2008

Dahil sa iyong
pagkamatay, napatid
na rin sa wakas

ang huling lubid
na bumibigkis sayo
sa sanlibutang

pinatatakbo
lamang ng mga batas
ng pagbabago.

Ngunit kung saan
ka patutungo, wala
ng nagbabago.

wala ng hindi
pa ganap, walang hindi
pa malaya sa

mga materyal na
pwersang pinakikilos
ng kontradiksyon.



VII
August 20, 2008

Pero alam ko,
para sa iyo, langit ang
buhay sa mundo.

Sapagkat dito,
ang yong rebolusyon
ay walang hanggan,

ang dakila mong
pakikibaka ay wa-
lang katapusan,

at hindi nagwa-
wakas ang iyong maka-
uring digmaan.

VIII
August 16, 2008

Kaya sa iyong
libing, ikaw na mismo
ang tumatangis,

sa kamatayan
ng iyong kalayaang
walang kaparis.

-30-

1 comments:

Anonymous said...

hindi ko maramdaman ang dapat ko maramadaman. malungkot 'to pero parang mejo kulang pa.