Thursday, January 29, 2009

Mortalidad

Ano kaya ang pakiramdam,
ng ang buhay mo'y nagpupumilit kumawala
sa iyong buto't kalamnang maaaga ng pinatanda
ng sakit ng kalungkuta't kahinaan?

Ano kaya ang pakiramdam?

Mahirap intindihin
ang sakit ng isang ina't kasamang
nasa bingit ng kamatayan, ngunit
mukha pa ring buhay at lumalaban.

At gaya ng maraming bagay sa
mundong hindi naiintindihan,
ikaw bilang ikaw ay isinantabi,
sa kung saan ang iyong pakikibaka't
panaghoy ay hindi nakakagambala
sa kapayapaan ng mga buhay
at kanilang mga normal na buhay.

Gaya ng maraming bagay na
hindi naiintindihan, pinilit ka nilang ibalik sa mundong
naaarok ng komprehensiyon ng normalidad:

     ang pagpasok araw-araw sa trabaho;
     ang magalit sa mga taong kinaiinisan;
     ang mang-inis paminsan-minsan;
     ang magmahal sa mga anak;
     ang mangakong mabubuhay, kung para lamang sa mga lumalabang
     ika'y manatiling buhay.

Pero ika'y patay na,
ang iyong katawa'y pinasuko na ng hapding
mapait pa sa apdo.

Ika'y patay na,
ibinagsak na ng bato sa
laman.


ni James Matthew Miraflor
Enero 30, 2000

Alay kay kasamang Rhodz Espinola, namatay ng 5 A.M. ng umaga ng Enero 29, 2009 sa paglaban sa End-Stage Renal Disorder.